12/09/2026
Namatay ang magulang at naiwan ang isang lupa sa kanyang mga anak.
Handa na sana ang pamilya na ayusin ang estate at gumawa ng Extrajudicial Settlement of Estate (EJS).
Apat sa limang magkakapatid, pumapayag na. Pero may isang heir na nagsabi:
“Ayoko pumirma.”
Ang tanong: Puwede bang ituloy ng ibang heirs ang Extrajudicial Settlement kahit ayaw pumirma ng isa?
📌 ANG EXTRAJUDICIAL SETTLEMENT AY NAKABATAY SA AGREEMENT NG MGA HEIRS
Sa ilalim ng Rule 74, Section 1 of the Rules of Court, kapag ang pumanaw ay walang Will at walang utang, maaaring hatiin ng mga heirs ang estate extrajudicially sa pamamagitan ng public instrument (EJS).
Subalit may mahalagang requirement: AGREEMENT.
Kung hindi nagkakasundo ang lahat ng heirs, hindi maaaring pilitin ang ayaw pumirma. Sa ilalim ng batas, ang EJS na ginawa nang hindi kasama ang isang heir ay hindi binding sa heir na hindi lumagda o hindi naisama.
📌“MAJORITY NAMAN KAMI. APAT KAMI, ISA LANG SIYA.”
Hindi ito idinadaan sa simpleng majority vote.
Hindi dahil apat sa limang heirs ang pumapayag ay maaari nang balewalain ang karapatan ng ikalimang heir. Kung may legal share siya sa estate, hindi maaaring alisin ang kanyang participation o iderekta ang paghahati nang wala siya.
📌 BAKIT BA AYAW PUMIRMA?
Bago magpadala ng demanda, mahalagang alamin muna kung ano ang totoong dahilan ng pagtanggi.
Baka ang disagreement ay tungkol lamang sa:
✔️ Sukat o hatian ng lupa;
✔️ Valuation o halaga ng property;
✔️ Kung aling portion ang mapupunta sa kanya;
✔️ Ari-ariang hindi naisama sa listahan;
✔️ Mga bayarin o expenses na binayaran ng isang heir; o
✔️ Pagbebenta agad ng property sa ibang tao.
Minsan, hindi naman ayaw ng heir na i-settle ang estate, tutol lamang siya sa paraan ng paghahati. Kung ganoon, maaari pa itong daanin sa negotiation at pagbabago ng EJS terms.
📌“AYAW NIYANG IBENTA ANG LUPA, PERO GUSTO NAMING LAHAT IBENTA.”
Magkaibang usapin ito. Hindi automatic na dahil majority ang gustong magbenta ay maaari na ninyong ibenta ang buong property kasama ang share ng ayaw magbenta.
Kailangang linawin:
-Ayaw ba niyang pumirma sa EJS? o
-Ayaw niyang ibenta ang kanyang share pagkatapos ma-settle ang estate?
📌PUWEDE BA NIYANG HABAMBUHAY I-HOSTAGE ANG PROPERTY?
Hindi rin.
May mahalagang prinsipyo sa Civil Code: “No co-owner shall be obliged to remain in a co-ownership.” (Article 494).
Ibig sabihin, may karapatan ang sinumang heir o co-owner na humingi ng partition o opisyal na paghahati ng property. Hindi pwedeng habambuhay na makulong ang pamilya sa co-ownership dahil lang sa ayaw ng isa.
📌KUNG AYAW TALAGANG PUMIRMA, ANO ANG NEXT STEP?
Kung ayaw talaga sa voluntary settlement, ang legal na hakbang ay ang paghahain ng Judicial Partition sa korte. Sa pamamagitan ng Court Proceeding, ang korte na ang magdedesisyon kung paano hahatiin nang patas ang property batay sa rights ng bawat heir.
📌PAANO KUNG HINDI PRACTICAL HATIIN ANG LUPA?
Kung ang lupa ay masyadong maliit para hatiin sa limang piraso (na magiging dahilan para hindi na ito magamit nang maayos), pinapayagan ng batas ang ibang paraan:
1. Maaaring bilhin ng ibang heirs ang share ng ayaw pumirma; o
2. Ipag-utos ng korte ang pagbebenta ng property upang ang proceeds/benta ang hahatiin sa lahat ng heirs.
📌HUWAG GAWIN ITO:
Kung may heir na ayaw pumirma, iwasang gawin ang mga sumusunod:
❌ Alisin ang pangalan niya sa EJS;
❌ Ideklara na patay na siya kahit buhay naman;
❌ Pumirma para sa kanya nang walang pahintulot;
❌ Gumawa ng peke o unauthorized na Special Power of Attorney (SPA); o
❌ Ibenta ang buong property na para bang kayo lang ang heirs.
Ang pagtatago ng kilalang heir sa document ay maaaring magdulot ng falsification cases at ma-void ang inyong settlement at bentahan.
📌 PAANO KUNG NASA ABROAD LANG ANG HEIR?
Kung sang-ayon naman siya pero nasa ibang bansa lamang, hindi kailangang umuwi agad sa Pilipinas.
Maaari siyang pumirma sa EJS o magbigay ng Special Power of Attorney (SPA) sa pamamagitan ng Apostille o authentication sa Philippine Embassy/Consulate sa bansang kinaroroonan niya.
TANDAAN:
Ang Extrajudicial Settlement ay isang voluntary settlement. Hindi maaaring pilitin ang isang heir na pumirma sa kasunduang hindi niya sinasang-ayunan.
Subalit hindi rin ibig sabihin na mananatiling nakatali ang estate habambuhay.
Kapag hindi na talaga kayang pag-usapan, may judicial remedies o proseso sa korte upang maayos ang hatian ng mana.
Kung kaya pang pag-usapan, settlement ang pinakamabilis at pinakamurang daan. Kung hindi na talaga magkasundo, dumaan sa tamang legal process.
𝐃𝐈𝐒𝐂𝐋𝐀𝐈𝐌𝐄𝐑: This post by Hablero Law Office is for informational purposes only and does not constitute legal advice. No attorney-client relationship is formed by interacting with this content.